Audeliver demo podcast: Poetry - SA PAGITAN KA NATAGPUAN by Maimai Cantillano

Poetry - SA PAGITAN KA NATAGPUAN by Maimai Cantillano

Published on Fri, 16 Mar 2018 17:45:13

SA PAGITAN KA NATAGPUAN by Maimai Cantillano For Times at the Yard 2016 (c) Ophelia & Co. Words: Maimai Cantillano Music: Marla Zuñiga Directed by: Kit de Silva Video: Mj Bermudez and Meiji Laugo SA PAGITAN KA NATAGPUAN by Maimai Cantillano Parati kong naririnig ang dalawa sa mga uri ng pag-ibig Tamang pag-ibig ngunit maling panahon Tamang panahon, ngunit maling pag-ibig Hindi ko alam kung alin tayo sa dalawa Kung tama pa ba o mali na Nasaan ka na ba? Hindi na ba talaga tayo magkakatagpo? Dahil kung ito’y tagu-taguan, Hindi ko alam kung sino sa atin ang taya O kung sino sa atin ang nawawala Napapakaliwanag ng buwan Ngunit hanggang ngayon hindi pa rin tayo magkakitaan Hindi ko alam kung sino ba sa atin ang nagtatago Dahil matagal nang tapos ang isa hanggang sampu Matagal na rin akong umalis saking pinagtataguan At ngayon, patuloy na naglalakad sa kawalan na dati ay kalawakan Kalawakan na sabay nating pinagmamasdan Sa ilalim ng nagniningning na mga bituin Kasama ang mga alitaptap na sumusulyap sa pag-ibig natin Ngunit sino bang nagtatago? At sino ang naghahanap Lumalalim na ang gabi pero wala ka pa rin sa aking tabi Kaya’t sabi ko Hindi na ako pwedeng maglaro Hahanapin kita kaya’t ako’y tumayo Wala akong pakealam kung ako’y madapa O kung ako ma’y mataya Isinantabi ko ang takot ko sa dilim O sa kung anong nasa likod ng dilim Dahil kailangan kitang bawiin sa tadhana Hindi ko alam kung paano pero babawiin kita Hahanapin kita Kahit nasaan ka pa Hahanapin kita Hahanapin kita At nakita na nga kita Natagpuan kita sa pagitan ng gabi at umaga Hindi alam kung magpapatuloy pa Kung nanakawin pa ang mga tala para sa akin Dahil alam mong kahinaan ko ang mga bituin Natagpuan kita sa pagitan ng laban at paalam Nakikipagdigma sa tadhana Dahil ang sabi mo, iyon ang tama Natagpuan kita sa pagitan ng ngayon at bukas Masaya ngunit lumuluha Hindi ko alam kung anong paniniwalaan ko Kung ang ngiti mo ba o ang luha mo Natagpuan kita sa pagitan ng mahal kita at ng minahal kita Ngunit nagdurugo ka na Patawad Dahil kung minsan, mas nauuna pa ang dila kong pumutak Kaysa mag-isip ang kulubot kong utak Patawad dahil kung minsan Nauuna pa ang pagmulat ng aking mga mata Kaysa sa pagtibok ng puso kong hinahapo na Patawad dahil kung minsan Binabalewala ko ang mga tenga mong hindi napapagod sa Pakikinig sa bawat pantig na niluluwa ng aking bibig Kahit minsan wala naman talagang kwenta Ang mga binibitawan kong salita Patawad Kung isa ako sa dahilan ng pagsikip ng ‘yong mundo Kung ang dating payak ay naging komplikado Patawad Kung isa ako sa nagpunla ng takot sa loob mo Na unti-unting lumaki at ngayon ay iyo nang inaani Patawad Kung mas pinili kong magtago Para lang hanapin mo Kahit na ang dapat mong hanapin ay ang sarili mo Naging makasarili ako Kaya’t heto, nagkasalisi tayo Sabay tayong naghanap At sabay rin tayong nagtago Nakakapagod pala ang laro Akala ko kasing simple lang ng pagbilang mula isa hanggang sampu Pero hindi pala Kaya’t patawad Dahil hindi ko na kayang makita kang nagdurugo sa pagitan Ng gabi at umaga Ng laban at paalam Ng ngayon at bukas At ng mahal kita at minahal kita Hindi ko na kayang makitang nasasaktan ka Kaya’t mahal, Malaya ka na


download MP3 duration 0:06:53, size 6.31 MB